Si Piki sa Ilalim ng Bilog na Buwan


Noong unang panahon, masayang lumilipad sa ilalim ng init ng araw ang lahat ng mga paniki kasama ang iba pang mga ibon.
Kilala ang mga paniki sa kanilang pagiging kakaiba sa lahat. Kumpara sa mga ibon ay mayroon silang mga tainga at wala naman silang mga tuka. Makikintab ang makakapal nilang balahibong itim. Malapad ang kanilang mga pakpak at malakas ang kanilang mga katawan. Maliksi rin silang lumipad at matalas naman sila kung mag-isip.
Sa lahat ng mga paniki ay naiiba ang piking si Piki. Isinilang siyang magkadikit ang mga paa kung kaya naman hirap siyang magbalanse sa tuwing dumadapo sa mga sanga ng puno.
Bilang solusyon, sinanay ni Piki ang sarili sa pagkapit sa sanga habang nakabitin ng pabaligtad.
Noong una ay mabilis siyang mangawit at palagi siyang nahuhulog. Madalas na pagtawanan siya ng mga kaibigang ibon pero hindi niya iyon pinansin. Ipinagpatuloy lang ni Piki ang matiyagang pag-eensayo hanggang sa tuluyan na niyang makabisado ang pagkapit sa sanga nang nakabaligtad.
Dahil doon ay mas lalong lumakas at tumibay ang kanyang pangangatawan. Nagbunga ang lahat ng kanyang paghihirap at pagsasakripisyo. Hindi naging hadlang ang kanyang kapansanan upang maging kapaki-pakinabang sa kanilang komunidad.
Napatunayan niya ito nang minsang namasyal siya sa gubat kasama ang mga kaibigan. Nadatnan nila ang daan na may malaking batong harang. Kayang-kaya niya kasama ang kambal na mayang sina Momong at Miming pati na si Bebang Bibe na lampasan ang malaking bato. Ngunit hindi nila kayang iwan ang kaibigang si Tikoy Manok na hindi kayang lumipad nang matagal sa ere dahil sa laki at bigat nito.
Kaya naman naglakas-loob si Piki at sinubukang buhatin ang malaking batong harang. Laking-gulat ng mga kaibigan niyang ibon nang makitang mabuhat nga niya ang bato. Walang kahirap-hirap niyang inalis ito sa kanilang dadaanan. Manghang-mangha naman ang kanyang mga kaibigan sa galing na kanyang ipinamalas.
Sa kanilang pag-uwi ay agad na ibinalita ng kanyang mga kaibigan ang nangyari. Kumalat sa buong kagubatan at narinig ng lahat ng ibon ang balitang may kakaibang taglay na lakas si Piki.
Dumami ang mga humihingi ng tulong sa kanya sa mga gawaing nangangailangan ng lakas at sa pagbubuhat ng mabibigat. Bukal sa loob naman tumutulong si Piki sa mga ito. Hanggang sa itinanghal siyang superhero ng mga ibon.
Subalit nang malaman ni Mabalasik Lawin ang tungkol dito ay nagalit siya. Isa rin kasi siyang superhero na ang kakayahan ay makita nang malinaw ang kahit anong bagay sa malayo. Hindi niya ngayon matanggap na ang isang maliit at may kapansanang ibon ay hinirang na isang superhero na katulad niya. Malakas ang paniniwala niyang hindi karapat-dapat ang paniki sa titulo at mas malakas pa rin siya kaysa dito.
Kaya lamang, sa pagtagal ng panahon ay naramdaman ni Mabalasik na tila nawawalan na ng saysay ang kanyang pagiging superhero. Kung ihahambing kasi siya kay Piki ay palaging mas marami itong natutulungan dahil sa taglay nitong kakayahan samantalang bibihira niya lang magamit ang kanya para sa ikabubuti ng lahat. Labis siyang nainggit kay Piki.
Bilang ganti ay nakaisip ng plano si Mabalasik para utakan ang piking paniki. Ipinatawag niya ang lahat ng mga ibon para sa isang malaking pagtitipon.
 “May hatid akong masamang balita sa inyong lahat mga kaibigang ibon,” umpisang wika ni Mabalasik.
“Masamang balita? Ano naman iyon?” nag-aalalang tanong ni Bebang Bibe.
 “Nanganganib ang buhay nating lahat! Nakikita ko sa malayo ang mabilis na paglapit ng buwan sa atin. Sa pagsapit ng dilim ay tuluyan na itong babagsak sa ating lugar!”
Nabahala ang mga ibon para sa kanilang kaligtasan. Mabilis na naniwala ang lahat sa sinabi ni Mabalasik dahil nga sa kakayahan nitong makakita ng malinaw sa malayo.
Subalit sa pagkakataong ito ay nagsisinungaling lamang ang tusong si Mabalasik. Hindi totoong babagsak ang buwan sa kanilang lugar. Sinabi niya lang iyon dahil nais niyang palabasin na kaya niyang iligtas ang mga ibon mula sa kapahamakan. Handa na sana niyang iprisinta ang sarili pero naunahan siya ni Piki.
“Huwag kayong mag-alala. Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang makatulong,” buong tapang na saad ni Piki.
Nabuhayan naman ng loob ang mga ibon dahil tiwala sila sa kakayahan nito. Samantalang nabalot naman ng pag-aalinlangan si Mabalasik dahil masisira ang kanyang plano.
Pero kalaunan ay naisip niyang magandang ideya rin ito para tuluyan nang paalisin si Piki sa kagubatan at mabawi niya ang trono ng pinakamalakas na ibon sa lahat.
“Teka lang. Sigurado ka bang kaya mo?” nanghahamong tanong ni Mabalasik. Malapad itong nakangiti na may ibang gustong ipahiwatig.
“Oo naman. Kung para sa inyong mga kaibigan kong ibon ay wala akong uurungan. Handa ako sa lahat ng oras maprotektahan ko lang kayo na mahalaga sa akin.” Sumilay ang taos sa pusong ngiti sa mukha ni Piki.
Parang may kumurot naman na kung ano sa damdamin ni Mabalasik. Gusto na niyang sabihin sa lahat na nagbibiro lamang siya subalit natakot siya na baka magalit ang mga ibon sa kanyang ginawa. Kaya imbis na magsalita ay itinikom na lang niya ang kanyang bibig.
Buong araw na naghanda si Piki para sa pagsapit ng dilim. Buo ang loob niya na labanan ang buwan para iligtas ang kanyang mga kasama. Bilang suporta ng kanyang mga kauring paniki ay ibinigay nila ang kanilang makikintab at makakapal na balahibong itim kay Piki. Sa kanilang paniniwala ay malaki ang maitutulong niyon sa kanyang mas mabilis na paglipad.
Nang magtakipsilim ay nagtipon-tipon ang mga ibon para ihatid si Piki sa kanyang pag-alis. Nakita niya ang lungkot na nakasalamin sa mga mukha ng mga ito. Sa halip na maging malungkot rin ay masaya niyang nginitian ang kanyang mga itinuturing na kayamanan.
“Huwag na kayong malungkot. Hindi ako titigil sa paglipad hanggang hindi ko naaabot at napipigilan ang buwan. Kapag natapos ang lahat ng ito, babalik ako at inaasahan ko ang paghihintay ninyong lahat. Sa ngayon, nandiyan si Mabalasik upang patuloy kayong tulungan. Kung hindi dahil sa kanyang kakayahan, marahil tuluyan nang mawawasak ang ating lugar nang hindi natin napaghahandaan.”
Tuluyan nang dumilim at suminag na ang bilog na buwan. Lumipad na sa ere si Piki suot ang kanyang malaking pakpak na punung-puno ng makikintab at makakapal na balahibong itim. Matagal siyang pinanood ng mga kaibigang ibon hanggang sa tuluyan siyang mawala sa mga paningin nito.
Naligtas ang mga ibon sa gabing iyon subalit ilang araw na ang lumipas ay hindi pa rin nagbabalik si Piki.
Marami na ulit ang pumupunta kay Mabalasik para humingi ng tulong ngunit patuloy pa rin siyang ginugulo ng kanyang konsensya sa kanyang ginawang kasalanan.
Nang hindi na makapagtimpi pa ay inamin niya sa mga ibon ang totoong nangyari.
Marami ang nagalit kay Mabalasik nang malamang nagsisinungaling lang pala ito. Maraming ibon ang nadismaya sa ipinakitang kilos ng kanilang tumatayong superhero. Tuluyan nang nasira ang tiwala nila dito. Sa pagkawala ng kanilang mga iniidolo na siyang nagbubuklod-buklod sa lahat ng mga ibon ay unti-unti nagkawatak-watak ang kanilang lahi. Sa huli ay naiwang mag-isa si Mabalasik.
Ang mga paniki naman ay sobrang nalungkot dahil sa sinapit ng matapang at inosenteng si Piki. Marahil patuloy pa rin ito sa paglipad magpasahanggang ngayon, inaabot ang bilog na buwan sa langit.
Dahil sa nangyari ay humiwalay na rin ang mga paniki sa mga ibon. Nilisan nila ang kagubatan at nanuluyan sa mga bakanteng kuweba.
Simula noon, ang lahat ng mga paniki ay ginaya ang pabaligtad na paglambitin ni Piki sa mga sanga ng puno bilang pag-alala sa kanya. Sa umaga ay pinili ng mga paniki ang matulog para makapag-ipon ng sapat na lakas. Sa pagsapit naman ng gabi ay gising na gising ang lahat, patuloy na naghihintay sa pagbabalik ng kanilang tagapagligtas na si Piki sa ilalim ng bilog na buwan.




Mga Komento

  1. Natats ako, Ria ���� at napangiti sa huli. Ang galing! Tunay na dapat itong manalo. Kampai! Kampai! ������

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mga Sentimyento ng Isang Duwag

Gaano Kahalaga?