Pinakamasayang Memorya

Nakalimutan niya na naman ang oras. Malapit nang sumapit ang ikaapatnapu't tatlong minuto ng ikalabintatlong numero sa orasan.

Sa layong 'di kukulang sa tatlong kilometro mula sa silid-aklatang kanyang kinalulugaran, kailangan niyang marating ang kanyang destinasyon sa loob lamang ng natitirang limang minuto. Ito na yata ang pinakamalas niyang pagkakataon sa lahat ng beses na muntik siyang mahuli sa takdang oras.

Hindi siya aabot sa normal na pagbiyahe kaya kahit ipinagbabawal ang paggamit ng kanyang kakayahan ay pinili niya pa ring labagin ang utos at suwayin ang kanyang naging pangako.

Kanyang iniangat ang kaliwang kamay at doon lumabas ang isang maliit na liwanag. Makaraan ang ilang sandali ay tila bumagal ang paggalaw ng mga tao at bagay sa paligid hanggang sa ang mga ito ay tuluyan nang huminto.

Sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi nang magtagumpay sa kanyang gusto. Sunod niyang iginiya ang kamay paitaas hanggang sa humiwalay ang liwanag sa kanyang palad at nagpatuloy na pumaitaas. Tumigil ang liwanag sa ere at sumabog sa maliliit na liwanag na unti-unting kumalat sa buong paligid.

Lumingon-lingon siya upang tiyakin walang sinuman ang nakasaksi. Nang makuntento ay pasimple siyang kumatos sa ere.

Nagpatuloy na sa paggalaw ang mga tao sa paligid. Wala na siya sa kanyang puwesto at wala ring mga taong nagtataka sa kanyang biglang pagkawala.


Isa siyang diwata na nakatira sa bundok ng Daltangki. Kung paano siya napadpad sa siyudad, iyon ay dahil sa kanyang hiling.

Isang normal na araw iyon ng pagbabantay sa kagubatan. Sa kanyang naraanang batis ay may namataan siyang kumikinang na bagay. Nilapitan niya ito at saka pinulot.

Dinala niya ito sa kanyang pag-uwi at agad na tinungo ang diyosa ng mga diwata na humahawak sa kapangyarihan ng kaalaman.

"Magandang araw, Mahal na Reyna. Maaari po ba akong magtanong?"

Tumayo ang kanilang mayuming diyosa sa trono nito at siya'y nilapitan. Kalmado nitong hinawakan ang kanyang kamay.

"Ano iyon, Diwata ng Panahon?"

"Nais ko po sanang malaman kung ano ang bagay na ito."

Ibinuka niya ang kaninang nakakuyom na palad at lumitaw doon ang natagpuang bagay sa batis.

Malugod na ngumiti ang reyna sa kanya.

"Iyan ay pagmamay-ari ng mga mortal, mahal ko. Diyan nila isinisilid ang kanilang pinakamasayang memorya."

"Pinakamasayang memorya? Ano naman po iyon?"

Muling ngumiti ang reyna sa kanya. "Mahal ko, iyan ay masasagot lamang ng isang mortal at 'di ng diwatang tulad natin."

"Kung gano'n, gusto kong maging mortal. Maaari po ba iyon?"

Banayad na nagbago ang ekspresyon ng mukha ng reyna. Tila ito'y nabahala sa narinig.

"Mahal ko, sigurado ka ba sa gusto mo?"

"Mahal na Reyna, nais kong malaman kung ano ang pinakamasayang memorya ng mga mortal. Sa tingin ko'y may dahilan kung bakit ako at kung bakit ko nakita ang bagay na ito. Kung mahahanap ko ang pinakamasayang memorya ng mga mortal ay malalaman ko kung ano iyon."

"Kung buo na pasya mo, tutulungan kitang mahanap ang gusto mong kasagutan. Ipadadala kita sa siyudad at bibigyan kita ng kaalaman. Nais kong gamitin mo ito sa mabuti. Sa pagpatak ng ikaapatnapu't tatlong minuto ng ikalabintatlong numero sa orasan ng mga mortal, kinakailangang ikaw ay nasa tuktok ng pinakamataas na tore sa siyudad. Oras na ika'y mabigo sa pagsunod nito ay hindi ka na makakabalik pa dito sa bundok. Higit sa lahat, mahigpit kong ipinagbabawal ang paggamit mo ng kapangyaraihan dahil hindi maganda ang dulot nito sa harap ng mga mortal."

"Tatandaan ko po ang lahat ng iyon, Mahal na Reyna. Ipinapangako kong susundin ang inyong salita."


Nakarating siya ng siyudad na may sapat na kaalaman tungkol sa mundo ng mga mortal. Mabilis siyang nakasabay sa paghalubilo sa mga ito. Hindi niya kinalimutan ang bilin ng kanilang mahal na reyna at walang mintis niyang tinutungo ang takdang lugar sa takdang oras upang hanapin doon ang sagot sa kanyang tanong.

Subalit sa pagtagal ng panahon, unti-unti siyang hinihila ng mundo ng mga mortal. Nalaman niyang maraming masasayang bagay ang matatagpuan rito na hindi niya kailanman makikita sa bundok ng Daltangki.

Nawili siya sa luho ng materyal na bagay. Dumalas ang paggawi niya sa silid-aklatan upang dagdagan ang kanyang kaalaman na siyang sanhi ng kanyang madalas na paglimot sa oras.


Ngayon, nakarating siya sa tuktok ng tore. Sa kasamaang-palad ay lumampas siya ng iilang segundo sa itinakdang oras.


Naramdaman niya ang mabilis na paghina ng kanyang katawan. Nang tingnan niya ang sarili sa malaking salamin na harang, ang kanyang kutis diwata na balat ay naging kulubot.

Unti-unti siyang binalot ng takot at hiya.

Sa paglingon niya sa kabilang parte ng tore, nakita niya si Armando—ang madalas niyang nakakausap sa lugar na iyon.

Saglit na nagtama ang kanilang mga mata. Hindi siya napansin nito. Hindi na siya nito kilala. Tila nawasak ang kanyang puso nang dahil doon.

Ngayon niya naalalang muli ang kanyang hinahanap.

Naalala niya ang umpisa.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Si Piki sa Ilalim ng Bilog na Buwan

Isang Hiraya sa Dako Pa Roon

Ang Muling Pagbitay