Isang Hiraya sa Dako Pa Roon

          "Totoo Kuya! Nakita ko talaga," saad ng maliit na boses ng batang babae.

          "Ano ka ba Violet? Hindi totoo ang mga legendary pokemon. Hindi sila nag-eexist. Kita mo nga. Wala pa kahit sino ang nakakahuli ng isa. Kaya 'wag ka nang makulit, okay?" mahinahong pagpapaliwanag ni Blue sa boses na malayo pa sa pagbibinata habang nakahawak sa mga balikat ng kanyang kapatid.

          "Pewo Kuya!"

          Matagal na tinitigan ni Blue ang nakanguso niyang kapatid. Hanggang dibdib lang niya ang tindig nito habang maikukumpara naman ang kanya sa taas ng dalawang katlo ng isang side-by-side na refrigerator.

          Sobrang cute tingnan ng kanyang nakababatang kapatid kahit na nangingilid na ang luha nito sa mga mata. Takaw-pansin ang malalaking kulay lilang tainga ng oso sa pantaling umiipit sa buhok nito sa mataas na pigtail. Nagmukhang mataba ang maliit nitong katawan dahil sa istilo ng khaki shorts nitong parang may hangin sa loob. Habang ang pantaas nito ay humahawig sa hitsura ng isang dress.

          Sa lahat pa naman din ng ayaw ni Blue ay ang makitang umiiyak ang kapatid. Mukhang hindi na naman niya ito matitiis. Paano niya tatanggihan ang tila kumikinang at nangungusap na mga mata nito?

          Sandali siyang namaywang at pagkatapos ay nangamot ng ulo. Hindi man lang nagulo ang tayo-tayong buhok niya sa ginawang iyon.

          Sa huli'y nakapagpasya rin siya. Matapos bumuntong-hininga ay ngumiti siya rito.

          "Sige na nga."

          Agad na nagliwang ang mukha ni Violet. Nagtatalon siya sa saya at pinaikutan ang kanyang kuya habang nakahawak sa saklit ng backpack niya.

          Samantala, nag-iisip na si Blue kung paano tutunguhin ang kinalalagyan ng bihirang pokemon. Kagagaling lang nila sa isang pokemon center dahil nagkasakit ang alaga ni Violet na si Flupher at ipinagamot doon. Ngayon nama'y namamahinga sila sa ilalim ng isang puno sa gitna ng isang malawak na bukirin.

          Luminga-linga siya sa paligid at saka tinanaw ang isang mataas na anyong lupa. Kung sa bundok ng Tayara nakita ng kanyang kapatid ang sinasabi nitong legendary pokemon, mukhang malayo-layo ang kanilang lalakbayin.

          Kung bakit ba kasi marami siyang gawain kapahon kaya naman hindi niya ito nasamahan at nabantayan sa pagliliwaliw nito. Hindi na sana nila kailangang bumalik pa ngayon doon.

          Kahit na may pagdududa sa mukha ni Blue, hindi rin naman iyon kayang talunin ng pagtitiwala niya sa kanyang kapatid.

          Parehong mga pokemon trainer sina Blue at Violet. Aminado si Blue na kahit na mas bata sa kanya si Violet ay mas malakas ito sa kanya.

          Dahil na rin siguro sa hilig ni Violet sa mga pokemon kaya lapitin ang mga ito sa kanya. Bibihira nga lang siyang gumamit ng incense at lures kaya madalas, binibigay na lang niya sa kanyang kuya ang mga nakokolekta. Mahirap lang talagang paniwalaan na pati ang isang legendary pokemon ay sisiw lang para sa kanyang palabasin.

          Naisip tuloy ni Blue, kahanga-hanga at kamangha-mangha ang kakayahan ng kapatid niyang iyon. Pero wala man siyang ganoong kakayahan ay maswerte pa rin siya dahil nagagawa pa ring pumantay ng lakas niya dito.

          Hindi rin naman niya kailanman inisip na mainggit dito bagkus ay lalo lang siyang nag-alala dahil paniguradong maraming mga pokemon trainer ang gustong kalabanin ang kapatid niya. Maraming beses nang nangyari iyon dahil gusto nilang nakawin ang matataas na level na pokemon na hawak nito. Para sa kanya, malakas man ito ay bata pa rin ito sa kanyang paningin na kailangan niyang protektahan.

          Sa ngayon, mayroong hawak na limang pokemon si Blue na matagal-tagal niya nang ineensayo. Si Eagloo ang kauna-unahan niyang nahuli panahong Cheegle pa ito. Sa Alasas City, doon nahuli niya sina Pointesla sa isang malawak na hardin at Dizzghoul sa loob ng gubat. Pinakanahirapan siya sa pagbihag kay Rainblow dahil hindi madali ang naging paglalakbay niya noon sa Juanna lake. Samantalang si Crysterra naman ay nakita niya sa maliit na burol ng Vaygan.

          Sagana pa siya sa mga pokeball, potion, at razz berry. Pero tatatlo lang ang hawak niyang ultra ball na siyang dapat gamitin sa paghuli ng isang legendary pokemon. Mas mabisa itong panghuli ng pokemon kumpara sa regular na poke ball. Mukhang kailangan muna nilang tumigil sa kabilang syudad para kumuha ng suplay.

          Nang matapos niyang matingnan ang laman ng kanyang backpack para malaman kung ano pa ang kakailanganin nila sa paglalakbay ay inaya niya na si Violet. Magkahawak-kamay nilang tinulak ang daan patungo sa hilaga kung nasaan ang bundok ng Tayara. Madadaanan nila sa gitna ang Guriama City kung saan pwede silang mamahinga.

          Habang naglalakad ay masayang kumakanta si Violet. Masisilayan niya ulit ang pinakamagandang pokemon na nakita niya sa lahat. Natigil lamang siya sa ginagawa nang sandaling istorbohin siya ng kanyang kuya.

          "Vi, ano nga kasi 'yung hitsura ng nakita mo?" tanong ni Blue habang patuloy pa rin sila sa paglalakad ni Violet. Kanina pa gumugulo sa kanyang utak ang pokemon na balak nilang puntahan. Iniisip niya kung anong pokemon ito dahil pamilyar ang mga detalyeng inilahad ng kanyang kapatid kanina.

          Muli na namang nabuhayan ng loob ang kapatid nang dahil sa paksa. Gustong-gusto talaga niya ang pokemon na 'yon. Tila ba labis siyang nabighani dito kaya naman masigla niyang inilarawan ang nakitang nilalang kahapon.

          "Maganda siya Kuya! Mawaming kulay sa ulo niya. Mewong owange, wed, puwple, saka blue."

          "Hindi kaya isang Xerneas ang nakita mo?" muling tanong ni Blue pero idinidirekta niya iyon sa sarili. Naalala niyang may nabasa na siya tungkol sa pokemon na 'yon na tumutugma sa sinasabi ni Violet.

          Subalit napakunot lang ng noo si Violet. Hindi naman kasi siya katulad ng kuya niya na nagri-research kaya hindi niya ito naintindihan. Umaasa lang siya sa nakikita ng kanyang mata at sa sinasabi ng kaniyang pokedex.

          Gaya nang sabi ni Blue, malakas man si Violet ay bata pa ito. Marami pa itong dapat at kailangang matutunan. Masyado pa itong inosente at hindi pa ganoon kakondisyon ang isip nito para seryosohin ang pagiging trainer. Dahil nga hindi nito naintindihan ang tinuran ng kanyang kuya, binalewala na lang nito ang sinabi niya at nagpatuloy itong muli sa pagkanta-kanta.

          Matapos ang mahabang paglalakad ay natanaw na ni Blue ang syudad ng Guriama. Pinili nilang manatili sa isang kainan doon para bumawi ng lakas. Mabuti na lang at may nakuha silang puwesto dahil marami-raming tao ang nagtipon rin doon.

          "Kumain ka ng marami, Vi. Malayo-layo pa ang lalakarin natin."

          Buhay na buhay ang loob na tumango si Violet. "Okay lang ako, Kuya. Nakaya ko nga na ako lang mag-isa kahapon, e."

          "Nakaya mo nga pero bagsak ka naman sa kama pagkauwi mo. Saka hindi ka naman naglakad kahapon, e. Kaya nagkasakit si Flupher dahil binuhat ka niya buong maghapon. Bakit ba kasi doon mo pa napiling pumunta?"

          Tanging pagnguso lang ang nagawa ni Violet. Bumalik na lang siya sa pagkain para iwasan ang panenermon ng kuya niya.

          Malaki ang pasasalamat ni Blue dahil walang masamang nangyari sa kanyang kapatid. Hindi niya alam kung ano ang gagawin kung sakali mang napahamak ito. Sa pagtingin niya kay Violet ay bumakas ang pagtataka sa kanyang mukha. Napansin niyang bumilis ang pagkain nito, akala mo'y hinahabol ng isang aso.

          "Dahan-dahan lang, oy. Hindi naman tayo nagmamadali."

          "Pewo Kuya, mawami pang ibang gustong kumain, o." Tukoy ni Violet sa maraming tao sa loob ng kainan. "Saka gusto ko nang makita 'yung legendawy pokemon!"

          Mabilis na tinakpan ni Blue ang bibig ng kapatid at minasdan ang paligid, sinuri kung mayroon mang nakarinig. Delikado 'pag nalaman ng iba na may nakita silang legendary pokemon at balak nila itong hulihin. Magiging isang digmaan ang kanilang simpleng paglalakbay kung nagkataon.

          Katulad nang nasabi ni Blue, wala pa ni isa ang nakakahuli ng legendary pokemon dahil sobrang iilap ng mga ito. Ang pagkakaroon ng tsansang makahuli ng isa ay isang malaking pagkakataon para umakyat sa pinakamataas na level ng pagiging trainer. Bagay na inaasam ng nakararami kung saan handa silang makipagsapalaran.

          Mabuti na lamang at mukhang wala naman silang nakuhang atensyon. Malaki ang naging tulong ng ingay sa gitna ng maraming tao.

          "Huwag kang maingay. Secret lang natin 'to. Walang pwedeng makaalam, okay?"

          Tumango-tango lang ang walang kamuwang-muwang na si Violet, nangingiting inilagay ang hintuturo sa labi at tahimik na tumawa.

          Pagkatapos mamahinga ay nagtungo sila sa isang Pokestop. Gamit ang mga pokecoins na kinita mula sa pinatatakbo nilang gym ay bumili sila doon ng maraming ultra balls. Alam ni Blue na hindi niya mahuhuli sa isang batuhan lang ang legendary pokemon kahit na ultra ball pa ang gamitin niya kaya kailangan niya ng maraming reserba.

          Tinanong naman niya si Violet kung hindi ba ito magdadagdag ng inventory at sumagot ito sa kanya ng iling. Abala ito sa pagtingin-tingin ng mga itlog na may iba't-ibang disenyo at kulay.

          "Kumpleto na ang mga gamit ko. Tayo na, Vi."

          Agad namang sumunod si Violet sa kanya at pinagpatuloy na nila ang paglalakbay patungo sa kinaroroonan ng legendary pokemon. Hindi nagtagal ay narating din nila ang paanan ng bundok ng Tayara.

          "Doon pa, Kuya. Doon ko siya nakita." Itinuro ni Violet ang daan pakaliwa.

          Bigla na lang nakarinig ng halakhak sina Blue at nilingon ang pinanggalingan niyon. Sumulpot sa harapan nila ang isang lalaking higit na matangkad kaysa kay Blue. May kasama itong isang fire type, fully evolved na pokemon, isang Zaflaro. Mukha itong kuneho. Iyon nga lang ay wala itong tainga at kulay tigre ang balat nito.

          Walang anu-ano'y itinago ni Blue si Violet sa kanyang likuran. Naalala niya ang pamilyar na kulay pulang buhok na iyon. Sigurado siyang nakita niya ito kanina sa may kainan nang bumisita sila sa Guriama. Buong akala pa naman niya ay walang nakarinig kay Violet kanina. Nagkamali siya sa masyadong pagiging panatag. Bakit nga ba tumigil siya agad na magsuspetsa gayong lagi naman siyang maingat. Pati ang pagsunod nito sa kanila ay hindi man lang niya napansin.

          Ikinuyom niya ang kanyang kamao sa inis.

          "Masyado naman yata kayong makasarili mga bata. Bakit hindi ninyo ibinahagi sa amin ang tungkol sa natuklasan ninyo? Alam n'yo, kahit na makita n'yo pa ang legendary pokemon, hindi n'yo rin naman mahuhuli. Masyado kayong mahina para gustuhing makuha ang isang 'yon."

          Muli na namang humalakhak ang lalaking may pulang buhok. Nakakairita ang tunog ng tawa nitong humahawig sa boses ng palaka.

          "Hindi mahina ang Kuya Blue ko! Siya yata ang pinakamalakas na pokemon twainew sa lugaw namin!"

          "Ano? Twainew? Lugaw? Hindi kita maintindihan bata." Nang-aasar na humalakhak muli ang lalaki dahilan upang matakot si Violet. Cute pa rin itong tingnan kahit maluha-luha na ang mga mata.

          Nang makita ang nangyari sa kapatid ay napuno na ng galit si Blue. Hindi siya makakapayag na may nambu-bully sa kanyang pinakamamahal at pinakaiingatang kapatid.

          Kinuha niya ang dalawang poke ball na nakalagay sa kanyang belt at pinalabas mula doon sina Pointesla at Eagloo. Nasa anyong sibuyas na may mataas na damo sa ulo ang una. Kumikinang ito sa kulay gold nitong balat. Habang ang huli ay lumulutang-lutang sa ere sa hitsura ng isang agila. Katulad ng manok ay may asul na palong ito sa ulo.

          Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ay nag-launch ng atake si Blue.

          "Pointesla! Thunder wave!"

          Nabigla man ang kalaban sa agarang pagsugod sa kanya ay agad rin itong naka-recover. Itinaas nito ang isang kamay sa harap ng papasugod na pokemon.

          "Zaflaro! 'Wag kang magpapatalo! Searing Shot!"

          Nagtama ang dalawang tira ng magkabilang kampo dahilan upang makalikha ng isang malakas na pagsabog. Natumba ang alaga ni Blue habang matatag na nakatayo ang sa kalaban. Mukhang malakas ang nakatagpo nila. Kung minamalas nga naman.

          Itinutok ni Blue ang isang bakanteng poke ball kay Pointesla. Nagliwanag ito at nahigop papasok sa loob ng maliit na bola.

          "Zaflaro! Tapusin na natin ang laban na 'to. Incinerate!"

          Napangisi si Blue sa narinig. Nag-uumpisa pa lamang sila at gusto na agad itong tapusin ng kalaban. Sobra na yata kung mangmaliit ito.

          "Eagloo! Minimize and block!" mabilis na depensa ni Blue.

          Kung gusto nitong matapos ang laban ay pagbibigyan siya ni Blue. Madali lang rin naman siyang kausap lalo na at alam niya na kung anong kahinaan nito.

          Muli siyang kumuha ng isa pang poke ball at inilabas naman si Rainblow. Isa itong four-leaf clover na napipintahan ng rainbow colors.

          Kitang-kita ni Blue ang pagkibot ng kilay ng lalaking may pulang buhok. Mukhang nakukuha na nito na hindi siya madaling kalabanin tulad ng inaakala.

          "Lava Plume!" Malakas ang naging sigaw ng kalaban habang nakaturo sa direksyon ng kabilang kampo pero hindi niyon matitinag si Blue at ng kanyang mga alaga.

          "Ngayon na! Eagloo! Rainblow!"

          Inilipad ni Eagloo si Rainblow sa ere kaya madali nilang nailagan ang tira. Sinigurado ni Blue na maprotektahan si Violet at nagawa rin nilang makaiwas sa atake. Nang sumunod ay nag-launch siya agad ng atake sa kalaban.

          "Eagloo, Aeroblast! Rainblow, Waterfall!"

          Naging mabilis ang paglipad ni Eagloo patungo sa kalabang pokemon habang dala-dala si Rainblow. Nang makalapit kay Zaflaro ay saka naman umatake ng waterfall ang huli.

          Bagsak sa lupa ang pokemon ng kalaban at kusa na itong nagliwanag at bumalik sa poke ball ng amo. Naiwang nakanganga ang lalaking may pulang buhok.

          "Tapos na ang laban," wika ni Blue.

          Kumaripas ng takbo paalis ang lalaki at naiwang tumatawa naman si Blue. Wala nang mailalabas na pokemon ang lalaking may pulang buhok dahil iisa lang ang poke ball na nasa belt nito. Mabuti at matalas ang obserbasyon ni Blue at nakita niya iyon. Mataas nga ang level at experience ng pokemon nito ay hindi naman naging sapat para matalo ang lilimang pokemon niya.

          Nang mahimasmasan sa masayang pagkapanalo ay binalingan niya si Violet.

          Kinabahan siya nang makitang wala ito sa kinatatayuan niya. Dali-dali niya itong hinanap, nakasunod ang dalawa niyang pokemon sa kaniyang likuran, at tinahak ang direksyong tinuro nito sa kanya kanina.

          Nakahinga siya nang maluwag nang agad niya rin itong nakita. Nakatayo lang ito at diretsong nakatingin sa harap.

          Napaawang ang bibig ni Blue sa pagkamangha nang masaksihan mismo ng kanyang mga mata ang sinasabing legendary pokemon ng kanyang kapatid. Tama rin siya ng hinala sa kung ano ito. Isang Xerneas.

          Isa itong usa na hati ang kulay ng katawan—itim sa ibabang bahagi at asul naman sa itaas. Mayroon itong tig-apat na sungay sa magkabilang bahagi ng ulo na pinalalamutian ng umiilaw na mga kulay sa mga dulo nito. Pinaniniwalaang ang pokemon na ito ay may kakayahang magbigay ng buhay salungat sa kapara nitong pokemon na si Yveltal na siya namang kumukuha niyon.

          "Vi," bulong-tawag ni Blue sa kapatid. Tahimik siyang nilingon ng nakangiti niyang kapatid. Tuwang-tuwa itong makitang muli ang magarang pokemon.

          Nang makita ng kanyang kapatid ang ambang paghugot niya sa mga ultra balls ay umiling ito sa kanya, nangungusap ang mga matang hayaan na lamang ang pokemon doon. Alam ni Blue na minsan lang dumating ang pagkakataong ito. May panghihinayang sa kanyang loob subalit alam niya ring tama ang kanyang kapatid sa naging desisyon nito.

          Naisip niyang may mga bagay talaga na kailangang pakawalan kahit gaano niya pa ito kagusto. Masaya naman siya na kahit papaano, katulad ni Violet, ay nabigyan nila ng kalayaan ang inosenteng nilalang.

          Ngumiti siya sa kapatid at sinamahan ito sa panonood sa pokemon. Ninamnam nila ang pagtingin sa nakamamanghang ganda nito hanggang sa kusa itong umalis at mawala na sa kanilang mga paningin.



*Ang kuwentong ito ay hinango mula sa pinaghalong anime series na Pokemon at larong Pokemon Go.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Si Piki sa Ilalim ng Bilog na Buwan

Ang Muling Pagbitay