Hangal o Bayani?


          Magkakasamang naglalakad sina Lorenzo, Virgil, at Manolo patungo sa sikretong himpilan ng kanilang grupo. Sunod na napahinto ang dalawang huli nang mapansing hindi na sumasabay sa kanilang paglalakad ang una. Nilingon nila ito at nakitang tinitingnan ang palo sa may tabi ng eskwelahan.

          Sa taas niyon ay makikita ang isang banyagang bandila na malayang nililipad ng hanging hindi makahinga sa sarili nitong bayan.

          "Lorenzo," bulong-tawag ni Virgil sa kanya habang masinop na nagpalinga-linga sa paligid. "Baka may makakita sa 'yo. Tayo na! Umalis na tayo."

          Isa, dalawa, tatlong segundo pang tinitigan ni Lorenzo ang banyagang bandila bago sumunod sa kanyang mga kasama.


          Isang maliit na abandonadong bahay na gawa sa semento at paghihinalahang pinamumugaran ng mga ligaw na espiritu kung titingnan sa labas subalit sa loob niyon ay makikita ang isang maayos at maaliwalas na lugar.

          Una itong nadiskubre ni Lorenzo sa isang nadisyertong palayan, at dito niya inimbitahan ang dalawang kaibigan sa tuwing kailangan nilang magpalipas ng oras na hindi inaabala o binabantayan ng iba. Dito rin sila nagpapalitan ng mga diskurso ukol sa mga nangyayari sa komunidad lalo na at parte ng isang lihim na grupo ng mga sundalong Pilipino sina Virgil at Manolo.

          Nagsiupuan ang tatlo sa palibot ng isang tabla ng mesa. May iilang mga suplay ng pagkain ang nakahapag doon partikular na ang tinapay at tubig samantalang isang maliit na gasera ang umiilaw sa madilim na kuta nilang iyon.

          "Lorenzo, kung gusto mo pang mabuhay, itigil mo na 'yang pagtatanim ng sama ng loob diyan sa mga Kano," payo ni Virgil sa kanya.

          "O kaya naman, kung gusto mo nang mamatay, 'wag mo kaming idamay, pwede ba?" panggagatong naman nitong si Manolo habang nilamutak ang isang piraso ng saging.

          Ngumisi lamang si Lorenzo sa kanila. "Tingnan mo nga naman itong dalawang matapang kong kaibigan. Salamat sa pag-aalala mga ugok."

          "Sira ulo," sabay sagot naman ng dalawa na sinundan ng tawanan nilang tatlo.

          Matapos ay muling sumeryoso ang atmospera sa loob ng maliit na kuta.

          "Kahit kailan, hindi ako yuyuko sa mga mananakop na iyan."

          "Kung ganoon naman pala, bakit ayaw mong sumali sa amin?" usisa ni Virgil.

          "Wala akong balak tulungan ang mga taong papalit-palit ng sinasamba. Nag-aaksaya lang kayo ng oras at pagod. Hindi kayo kailanman mananalo hangga't may mga traydor na nakakapit sa inyong mga likod. Hindi ninyo sila nakikita at hindi ninyo alam, tinutulak na nila kayo sa bangin ng kamatayan."

          "Ano bang pinaglalaban mo, Lorenzo? Natural lang na ipagtanggol ng isang Pilipino ang hirang niyang Pilipinas."

          Hindi naiwasang matawa ni Lorenzo sa tinuran ni Manolo. "Anong silbi ng pagtatanggol ng isang tao sa kanyang bansa kung ang kapwa niya mismo ang tumatakwil dito? May kapangyarihan tayo. Pero ang kapangyarihan natin, sa masamang balita, ay yumayakap sa mga dayuhan na iyon. Sila na dapat na magtanggol sa atin ay siyang una nating naging kalaban."

          Natahimik ang dalawa. May punto si Lorenzo at tingin nila'y malabo nilang mahikayat ang kaibigan sa ngayon.

          "Maalala ko pala. Sabi-sabi sa bayan, nakabalik na sina Barbara kaninang umaga. Hoy, Manolo. Tigilan mo nga kakasipa sa paa ko," basag ni Virgil sa katahimikan.

          "Talaga?" Kakaiba ang pagliwanag ng mukha ni Lorenzo.

          Ano pa nga ba't si Barbara ang nag-iisang tinitibok ng kanyang puso. Anak ng isang maharlika at may kapit sa may kapangyarihan.

          Limang buwan ang nakararaan nang tulungan siya nitong magtago mula sa mga nanghahabol na swapang na mga lalaki. Hindi niya maintindihan kung bakit sa panahon na nasa ilalim sila ng pamumuno ng ibang lahi ay nagagawa pa rin ng ibang mag-agrabyado ng kapwa nila Pilipino.

          Mabuti na lamang at niligtas siya nito. Simula noon ay naging madalas ang kanilang pagkikita hanggang sa nagkapalagayan na sila ng loob sa isa't-isa.

          Subalit kamakailan lamang ay kinailangan munang mamaalam ng kanyang sinisinta dahil patutulak ang mga ito sa timog para magbigay-pugay sa isang pagdiriwang.

          "Balita ko rin, may pagdiriwang na gaganapin sa plaza mamaya pero hindi raw makakadalo si Barbara dahil may sakit ito."

          Lalong lumawak ang ngiti sa mukha ni Lorenzo. Isa iyong mensahe para sa kanya. Napag-usapan nilang dalawa ang tungkol sa pagbibigay ng senyales na nagpapahiwatig na maiiwan si Barbara na mag-isa sa tirahan nito at pwedeng-pwede silang magkita.

          Walang anu-ano'y nagpaalam na si Lorenzo sa dalawa at agarang umalis.


          Huminto si Lorenzo sa harap ng isang may kalakihang kubo. Limang beses siyang kumatok sa pinto at saka naghintay.

          Tumingin siya sa likod, sa kanan, at sa kaliwa para tingnan kung may ibang tao. Sa wakas, wala ang mga hadlang at sa kanyang muling pagharap ay saktong bumuklat ang pintuan.

          "Lorenzo!"

          Tumambad sa kanya ang pinakamagandang babae sa kanyang buhay. Si Barbara.

          Isang masayang ngiti ang iginawad niya rito at dali-dali itong hinalikan, sabik ngunit may pag-iingat. Hindi pinuputol ang pagkikita ng mga labi, agad niyang isinara ang pinto at doon marahang itinulak ang dilag.

          Ramdam niya ang init na nais sumiklab sa kanilang mga katawan. Labis ang pagkasabik niya rito dahil tatlong linggo na silang hindi nagkikita.

          Alam niyang ganoon din ito sa kanya dahil halos sabunutan na siya nito sa pagitan ng kanilang nangungusap na mga halik.

          Sumakop sa kanyang ilong ang mabangong amoy nito kaya naman pinutol niya ang halik at itinuloy iyon sa may baba nito patungo sa leeg, hinahanap ang lugar kung saang pinakamalakas ang halimuon.

          Samyo ng isang pulang-pulang rosas ang kumikiliti sa kanyang ilong na para bang nais siya nitong lasingin.

          Iilang maliit na halik ang iniwan niya roon. Maya-maya pa'y gumapang ang kanyang mga halik habang dahan-dahan niyang hinawi ang kamiseta nito pababa sa balikat. Sa pinakadulong parte niyon ay nagtagal ang pagdampi ng kanyang labi at saka siya muling humarap kay Barbara.

          Hawak ang mga pisngi nito, matagal niyang tinitigan ang kumikinang nitong mga mata. Nakasalamin doon ang kanyang sarili. Nagliliyab sa pagmamahal. Mahal niya ang babaeng ito, walang duda.

          Sakupin na sila't lahat. Nakawin na sa kanila ang kanila'y dapat. Ang pinakamahalaga sa kanya ngayon ay ang babaeng nasa harap niya.

          Kaya naman pinadulas niya ang isang kamay sa kamay ng dalaga at hinila ito patungo sa isang kwarto.

          Doon, hinubaran nila ang isa't-isa, sa pagitan ng maiinit na mga halik, sa pagitan ng mahihigpit na mga yakap. Sa unang pagkakataon, walang hiyang ipinakilala nila ang buong pagkatao sa isa't isa at sila'y naging isa.


          Humahangos mula sa pagtakbo si Manolo nang marating ang bahay ni Lorenzo dala ang isang masamang balita.

          "Manolo? Anong nangyari?"

          "Si Barbara!"

          Agad na lumukot ang mukha ni Lorenzo sa narinig na pangalan.

          "Si Barbara. Ipakakasal si Barbara sa isang tenyenteng Kano sa susunod na linggo. Ngayon, nakakulong siya sa bahay ng tenyete at pinagbabawalan siyang lumabas mula roon."

          Nang mga sandaling iyon, inisip na agad ni Lorenzo ang plano para mabawi si Barbara.

          Hindi niya kayang maglaan ng oras para sa pagkabigla o pamamanglaw. Sa halip, ang galit na namumuo sa kanyang loob ang tumutulong sa kanya para bumuo ng stratehiyang magliligtas kay Barbara.

          Hindi ako Pilipino. Lalong hindi Amerikano.Walang sinuman ang nagmamay-ari ng buhay ko kung hindi ako lamang. Iyon ang nag-iisang dahilan kung bakit ito nagiging mahalaga. Pero handa akong talikuran ang buhay na ito at yakapin ang pagiging Pilipino ko kung ililigtas niyon ang pinakamamahal ko.

          "Manolo, kailangan ko ang tulong ninyo ni Virgil."

          Matamang tinitigan ni Manolo ang seryosong mga mata ni Lorenzo, at tumango siya dito.


          Mag-aalas otso na ng gabi. Tahimik ang mga yabag ng tatlo habang ikinukubli ang mga sarili mula sa mga mata ng ibang mga tao lalo na mula sa mga nagbabantay sa bahay ng tenyete.

          Gaya ng napagplanuhan, pumunta sila sa kani-kanilang puwesto.

          Si Virgil at Manolo ang magsisilbing tagabantay sa paligid at gabay ni Lorenzo para sumugod papasok sa loob.

          Sinigurado ng dalawang suotin ang matalas na pandinig at obserbasyon para tulungan ang kanilang kaibigan.

          Sa tatlong araw nilang pag-eespiya sa lugar ay nakabisado na nila ang oras ng pagbabantay at kilos ng mga nagbabantay doon.

          Nang makitang umalis ang isang tagabantay ng bahay sa puwesto nito, agad na pumito si Virgil bilang senyales. Sumagot rin naman ng pito si Manolo nang gayundin ang basa niya sa paligid mula sa kanyang poste.

          Nang marinig ang dalawang hudyat, saka lumabas si Lorenzo mula sa pinagtataguan. Diretso ang tingin sa bahay ng tenyete dala ang isang hangarin: ang itakas si Barbara mula sa mga kapitalista nitong magulang at sa mga tiranong dayuhan.

          Sa hindi inaasahang pagkakataon, may dalawang sundalong Kano pala ang rumoronda sa paligid.

          "Halt!"

          Nabingi ng pag-ibig, hindi narinig ni Lorenzo ang komando ng isa sa mga ito na tumigil. Patuloy lang ito sa pag-abante.

          "Halt!"

          Sa pangalawang pagkakataon ay saka siya natauhan. Nagulat siya sa mga ito at nakaramdam ng taranta.

          "Halto!" biglang naisigaw niya.

          Isang putok mula sa krag ng Kano at naramdaman ni Lorenzo ang kirot sa kanyang katawan.

          Sa kanyang pagbagsak ay iniwan niya ang dalawang kaibigan na balot ng takot. Sabay na tumakbo ang dalawa.

          "Halt!"

          Isang putok muli ang umalingawngaw at bumulagta sa lupa si Virgil.

          Sa huli'y si Manolo lang ang nakatakas.

          Sa pangyayaring iyon, nagsimulang sumiklab ang digmaan ng Pilipino laban sa mga Amerikano.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Si Piki sa Ilalim ng Bilog na Buwan

Isang Hiraya sa Dako Pa Roon

Ang Muling Pagbitay