Ang Pagtawid

          Malaya siyang naglalakad sa kalsada, naghahanap ng pwedeng mapulot na pagkain, nang mapadawit siya sa isang riot. Marahas na pinaghuhuli ang mga tumatakbo papalapit sa kanyang direksyon.

          Bago pa makaalis ay sinunggaban siya ng isa sa mga nanghuhuli. Wala siyang nagawa kahit pinili niyang magpumiglas.

          Dinala siya sa isang kulungan at doon may nakilalang kaibigan.

          Kuwento nito, ligtas naman daw ang tinutuluyan nila. Libre rin ang pagkain kaya pinili niyang manatili roon.

          Doon, naranasan niyang mabusog dahil panay ang paghain ng pagkain sa kanila. Pakiramdam niya'y hinahaluan ito ng gamot sanhi ng mabilis niyang paglakas at paglaki.

          Matutuwa na sana siya kung hindi lang nabalitaan ang pagpatay ng mga nanghuhuli sa kaibigang itinuring niya nang pamilya.

          Sa huli'y pinilit niyang makatakas para iligtas ang sarili. Hindi lumilingon sa mga nanghahabol sa kanya, natatarantang tinawid ng manok ang daan sa kabila.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Si Piki sa Ilalim ng Bilog na Buwan

Isang Hiraya sa Dako Pa Roon

Ang Muling Pagbitay