Ang Muling Pagbitay

Panahon na naman ng pagwawaldas. Tipong walang-wala na nga ay nagagawa pa ring bumili ng kung ano-ano maipamigay lang sa mga importanteng tao kuno.

Pero ang mga loko, mga pakitang-tao lang pala. Kesyo obligasyon daw kasi nila ang magbigay at kung 'di magawa ang huli'y kahihiyan ang sasakmal sa kanilang mga pagkatao.

Mapapangiwi na lamang ako sa mga mukha nilang painosente na ang tanging kayang ibigay sa mga kumakatok sa kanilang mga bahay-bahay ay isang salita ng patawad.

Mga dahilang hindi kilala, mga mapangmatang obserbasyon na siyang nagtutulak na humindi, mga damdamin at takot na baka utakan lang sila ng mga ito.

Iyan sila na animo'y hawak ang isang maliit at parihabang de-pindot na makina. Kokontrolin ang mga ito sa iilang kibot ng mga daliri sa kamay. Ididikta ang kapalaran ng mga walang magawa—tulad ko.

"Ruben! Ipasok mo na iyan! Kanina pa 'yan a. Oras na!"

"Opo!"

Napakamasunuring bata ngunit ang kanyang pagsunod ay ang aking bangungot.

Ikukulong na naman niya ako sa kabaong. Kung hindi pa sa dalawang butas sa itaas ay marahil balot na ng itim na dilim sa aking kinalalagyan. Mahirap huminga. Nakakatakot. Nakakatakot pa rin.

Masaya raw ang mabuhay 'ka nila. Nasisilayan ang ganda ng mundo. Humihinga kahit ano pang dagok ang humampas sa kanilang mga sarili. Hihintayin ang pilit iniiwasan na kamatayan. Sa huli, marami ang hihiling na sa kanilang paglisan ay mabigyan pa silang muli ng panibagong pagkakataon.

Masaya nga sana kung hindi lang naging sirang plaka ang tugtog ng aking buhay. Kung alam lamang nila ang sakit ng paulit-ulit na mabuhay para lamang mamatay muli marahil hindi na sila nag-atubili pang humiling.

Pumikit ako at muling bumungad sa akin ang dilim. Tila wala ring pagbabagong naganap. Dumadagundong ang takbo ng aking puso dahil inaasahan ko na ang pasakit na mangyayari sa akin pagkaraan lang ng ilang oras.

Araw-araw. Paulit-ulit na ganito. Madalas pang nahahati ang aking kaluluwa depende sa dami ng clone na gusto nilang likhain. Mas kaunti, mas pabor sa akin dahil bawat parte ay 'di birong nakararamdam ng parehong hapdi at kirot.

Maswerte sa mga normal na araw dahil sa tatlo lang naibabahagi ang aking mga piraso.

Subalit ngayong sumasapit na ang bisperas ng pasko ay kinakailangan kong ihanda ang sarili sapagkat hindi lamang sa lima o sampu magugutay ang aking pagkatao. Kailangan kong ikondisyon ang sarili na mapirat sa higit pa sa isandaang bilang.

"Kuya, namamaga na 'to." Dinig kong wika ni Ruben.

"Sige, isalang mo na."

Kagaya ng dati, sa tuwing ipinapasok nila ako sa kabaong na ito ay ipinupunas muna nila ang aking katawan sa isang puting bagay. Sa aking pakiramda'y iyon ang dahilan kung bakit laging lumolobo ang aking katawan na para itong sasabog. Hanggang sa ang maliit na espasyong aking pinaggagalawan sa loob ay tuluyan nang maglaho.

Pagkakuwan ay mararamdaman ko ang paggalaw ng aking kabaong papasok sa impyerno. Makaraan ang ilang sandali ay makikita ko ang bagong silang na sarili, pakakalmahin ng ilang minuto, at muli na namang isasabak sa giyera kung saan gigilitan na ang aking katawan, isisilid sa isang plastik saka ibabalandra sa harap ng maraming tao.

Bibilhin ako ng isa para i-display sa handa. Lilipas ang mga araw at saka itatapon sa basura.

Sila. Sila ang dahilan ng aking pagkasawang mabuhay. Silang mga santo sa salita't mga demonyo naman sa gawa. Kailan ba sila matatauhang lahat?



Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Si Piki sa Ilalim ng Bilog na Buwan

Isang Hiraya sa Dako Pa Roon