Susi at Isang Panuto

Madalas akong tumambay dito sa Booklandia, isang reading cafe na matatagpuan sa Bayan ng San Fernando sa Pampanga. Dito lang kasi makikita ang mga librong nagtataglay ng mga kakaibang istorya. 'Yung tipong mapapasabi ka na lang ng, "Ano ba 'yan? Kahit anong piliin ko, walang patapon!"

Seryoso ako doon. Dahil ang totoo, hindi pangkaraniwan ang reading cafe na ‘to. Normal kung sa normal pagka titingnan sa labas pero pagpasok mo sa loob, gugulatin ka na lang ng mga lumulutang na libro na parang nakalagay sa mga bookshelves na hindi nakikita ng mata.

Idagdag mo pa na ang nagbabantay dito ay nasa anyong hindi katulad ng sa mga tao. Natatakpan ng puting buhok ang buong mukha ng lalaki na tanging ang makapal na kilay, bilog na ilong at maputlang labi lang nito ang makikita, walang bakas ng kahit anong nagpapakita ng kanyang balat. Doble naman sa bilang ang mga braso't kamay nito na nababalot ng mahahabang itim na gwantes.

Sa kabila no'n, magara naman itong tingnan sa mahabang cloak nitong kulay asul at pinalalamutian ng ginto at itim. Hindi naman masagwang tingnan bagkus ay nakakamangha pa nga dahil nagmukha itong royalty mula sa Inglatera.

"Abe Estong, pwede ko bang i-extend ng dalawang araw 'tong libro? Dadalhin ko kasi 'to pabalik sa Maynila at baka sa Lunes pa ulit ang luwas ko dito," pakiusap ko matapos ilapag ang libro sa kanyang counter.

"Anong araw ba ngayon?" Tiningnan niya ang petsa sa malaking kalendaryo na nakasabit sa kanyang likuran. "Miyerkules. Aba'y wala namang problema do'n. Suki na rin naman kita dito. Basta ang importante, iingatan mo ha?"

Agad ko siyang tinanguan habang pinunch niya na ang hiniram kong libro na dapat ay tatlong araw lang pwedeng ilabas.

Mabait talaga ’tong si Abe Estong. Palagi niya akong pinagbibigyan sa mga pabor ko. Magaling din naman kasi akong mag-alaga ng libro kaya hindi masasayang ang tiwala niya sa'kin.

"Teka! Mukhang nakalimutan mo na naman ata a." Binigyan niya ako ng isang nang-uusig na tingin.

Binabawi ko na pala ang sinabi ko kanina. Pasimple akong kumatos at sinapok ang noo ko. "Ay oo nga pala! Naiwan ko na naman sa bahay 'yung bookmark ko."

"Naku, Jijing! Palagi ko na lang sinasabi sa'yo na lagi mong dadalhin ang bookmark mo. Kapag nawala mo 'yon, hindi ka na makakabalik dito panigurado," pangaral niyang muli sa'king hindi na nadala.

"Abe Estong naman. Wala namang takutan. Saka hindi mawawala do'n 'yon. Safe na safe 'yon sa drawer ko." Tumango-tango pa 'ko sabay taas-taas pa ng kilay, kinukumbinsi siyang sumang-ayon sa'kin.

Pero pinamaywangan niya lang ako habang kinakamot din ang kanyang ulo. "At sige nga, kaya mo bang tapusin ang librong 'yan ng isang upuan lang?"

"Oo naman po. Saka hindi naman ako nagbabasa 'pag nasa biyahe. Madali lang din namang gumawa ng sariling bookmark. Hehehe!" Kung sa mga palusot din lang, hinding-hindi yata ako mauubusan.

"Ay bahala ka nang bata ka. Hala sige! Ito na ang libro mo," iniabot niya sa'kin ang supot na may disenyong tinapay kung saan nakalagay ang libro.

"Salamat Abe Estong," masiglang sabi ko habang malapad na nakangiti at saka sunod na nagpaalam na rin. "Mauna na po 'ko. Sa Lunes na lang ulit!"

"Sige! Mag-iingat ka!"

Dama kong kitang-kita ang pagkasabik sa'king mukha pagkalabas ko ng Booklandia. May bagong istorya na naman akong mababasa.

Sandaling naagaw ng isang mag-ina ang atensyon ko. Papalapit sila sa direksyon ko at mukhang papasok din sila sa Booklandia.

"Ma, gusto ko cheese bread saka Spanish bread," rinig kong sabi ng batang lalaki sa nanay na hinihila-hila pa ang laylayan ng blouse nito.

Natawa ako. Akala ko lang pala 'yon! Hindi ko naiwasan ang mapailing-iling habang nakapaskil pa rin ang hindi mabasag kong ngiti sa mukha.

Hanggang sa nagpasya na 'kong tumulak pauwi. Maingat kong dinala ang librong galing sa Booklandia dahil kung may mangyari mang masama dito, walang anu-ano'y maglalaho ang bookmark ko.

Ang bookmark ko ay simple lang tingnan, katulad din ng mga karaniwang bookmark. Pero iilan lang ang nakakaalam sa lihim ng bookmark na 'to. Ito ang siyang nagsisilbing susi para makapasok sa Booklandia, kung saan makakakita ng aakalain mong isang normal na libro ngunit literal na may lamang libu-libong istorya.

Isa ako sa maswerteng napagkalooban ng mahiwagang bookmark na 'yon. Ang sabi ni Abe Estong, dahil daw mahilig akong maggagawa ng kuwento kaya napili ako.

Akala ko talaga noong una, ang malas-malas ko. Kasi nang sumali ako ng raffle sa school fest, 'yung bookmark lang ang napanalunan ko. Hindi ko naman inasahan na may kung anong hiwaga pala ito.

Tapos isang araw, nakita ko na lang ang sarili ko sa harap ng reading cafe. Gawa ng mahilig akong magbasa, pumasok ako doon. Pakiramdam ko nagyelo ako nang masilayan ang loob. Kinilabutan ako lalo na nang salubungin ako ni Abe Estong; para siyang lumulutang kung kumilos. Binati niya ako at sinabihang 'wag matakot. Hindi ko alam kung ginamitan niya ba 'ko ng magic o ano pero nawala nga ang takot ko. Pero siguro dahil din sa nakakahalinang boses niya kaya ako kumalma at napanatag. Malaki rin ang naitulong ng mga nakita kong tao doon na nagbabasa sa kani-kanilang pwesto. Hindi naman pala ako nag-iisa.

Ipinaliwanag niya sa'kin ang mga patakaran doon habang iginigiya ako papunta sa mga hindi nakikitang bookshelves. Namuntikan pa 'kong malinlang ng mga librong nakalagay roon. Magkakamukha lang kasi ang purong itim na pabalat ng mga ito at makikita mo lang ang titulo sa unang pahina nito.

Mahigpit din niyang ibinilin na mas mabuting ang bookmark ang gamitin sa pagbabasa ng mga librong galing sa Booklandia. Sa ganoong paraan daw kasi e hindi mabubuksan ang libro o mahawakan man lang ang bookmark ng kahit sino maliban sa may-ari.

Simula noon, naging regular na ako roon.

Madalas nga lang, tulad na lang ngayon, naiwan ko na naman ang bookmark sa bahay. Pero mabuti na rin 'yon. Hindi rin naman kasi talaga kailangan na pisikal na dala ang bookmark bago makapasok sa reading cafe. Ang sabi pa ni Abe Estong, alam na mismo ng Booklandia kung maaaring papasukin ang isa rito. Nakatatak na raw kasi sa mga may-ari na mayroon silang pinanghahawakang bookmark.

Nakakakaba rin kasi kapag dala-dala ko 'yon sa labas. Baka kung anong mangyari, maiwala ko pa 'yon. At kapag nawala ang bookmark, wala nang Booklandia, bagay na hindi ko gugustuhing mangyari.

Masyadong marami na rin ang naitulong ng Booklandia sa'kin: sa pag-aaral, sa pamilya, sa pagkakaibigan, sa pakikipagkapwa. Saka marami pa akong kuwentong gustong malaman. Hindi pa tapos ang pagkahumaling ko sa hiwagang hatid nito.

Isama mo pa na bibihira lang din ang mga taong nakakalabas-masok sa kakaibang lugar na 'yon. Isang bagay na nagsasabing katangi-tangi ang isang tulad ko.

Nakarating ako sa bahay matapos ang higit isang oras na biyahe. Pinagbuksan ako ng kapatid kong si Rajohn. Sinimangutan ko lang ang mokong. Hindi ko pa nakakalimutan ang ginawa niyang pagtapon sa mga papel na gagawin ko sanang pang-design ng scrapbook ko. Akala niya raw kasi basura sa sobrang liliit, e siya ang nautusan ni Mama na magwalis sa bahay. Pero hindi na rin naman ako galit sa kanya, kunwaring nagtatampo lang.

Dumiretso na ako sa kuwarto ko para makapagbihis. Sisimulan ko na ang pagbabasa pero dahil sobrang init sa loob kahit magbukas pa ‘ko ng bintana, pinili ko na lang pumuwesto sa may sala kung saan mas maluwang at mas malayang makakaikot ang hangin.

Nang saktong nakahiga na ako sa mahabang sofa saka ko lang ulit naalala ang bookmark. Hindi ako pwedeng magsimulang magbasa nang walang bookmark. Dahil sa oras na aksidente kong maisara ang libro nang wala ito, magbabago ang nakasulat na kuwento dito.

Kaya naman kinapa ko ang bulsa ng shorts ko. Napangiti ako nang may makitang singkwenta pesos doon. Ito ang ginawa kong bookmark.

Magdadalawang oras na ‘kong nagbabasa at sa palagay ko, lampas sampung beses na ‘kong nagpalit ng posisyon. Hindi ko maiwan-iwan ang kuwentong binabasa ko. Tungkol kasi ito sa isang naganap na murder case sa isang bahay na nataong may dalawang address. Nakatayo ang bahay sa pagitan ng dalawang lugar. Hindi ngayon malaman kung nagkamali ang mga awtoridad sa hinuling suspek dahil hinihinalaang ang kaso ay isa sa mga tinatawag nilang perpektong krimen. Malinis na tumutugma ang lahat ng mga ebidensya na siya namang pinagtataka nila. May hinala na ‘ko sa kung sino ang pumatay pero nabitin ako sa pagbabasa nang marinig ko na ang sigaw ng Mama ko, nag-aayang kumain na ng hapunan.

Mainam nang sumunod sa kanya dahil nakakatakot siyang mag-alburoto. Nilagay ko ang perang papel sa pahina kung saan ako tumigil at saka sinara ang libro. Ngumiti ako, masaya na ilang kabanata na lang at matatapos ko na ang libro. Malalaman ko na kung sino ang lapastangang salarin sa kuwento.

Lumapit na ako sa hapag-kainan, inamoy ang bango ng adobong ulam. Napalingon ako kay Mama na kasalukuyang nagluluto ng minatamis na saging nang magsalita siya.

“Ay, Rajohn, makibili ka nga ng coke kay Mang Jojo. Parang masarap ipares sa ulam natin ngayon.”

“Sige po, Ma,” sagot ng masunurin kong kapatid. Aalis na sana siya nang maalalang wala nga pala siyang dalang pera. “Ma, ‘yung pambili pala,” sabi niya sabay palad.

Ito namang si Mama, ako ang tinuro. “Kay Ate ka muna humiram, nasa kuwarto ang pitaka ko. Hindi pa tapos ‘tong niluluto ko.”

Nilingon ako ng kapatid ko. Sa’kin na siya ngayon nakapalad.

“Wala akong pera,” pabirong sabi ko sa kanya.

“Anong wala? Kanina ko pa nakikita ‘yung hawak mong pera e.”

“Wala nga,” sabi ko ulit at nilabas pa ang bulsa ng shorts ko bilang ebidensya.

Bigla na lang akong ginapangan ng kaba nang tumakbo siya papunta sa sala. Agad ko siyang sinundan, umaasang hindi niya pa ginawa ang iniisip kong gagawin niya.

Nanlalaking mata kong nakita ang singkwenta pesos sa kamay niyang nasa ere. Mabilis kong inilipat ang paningin sa nakasarang libro at agad ding ibinalik kay Rajohn. Sisigawan ko na sana siya ang kaso tumakas ang bruho.

Kabadong-kabado, dinaluhan ko agad ang libro ko at binuksan ito. Nanlumo ako nang makumpirma kong iba na ang titulo ng kuwento. Hindi pa 'ko nakuntento at chineck ko na rin ang unang kabanata; iba na nga ang nakasulat dito. Hindi ko na malalaman kung sino ang kriminal. Hindi ko na malalaman kung ano ba talaga ang ginawa niya, ang buong plano niya para maisagawa ang perpektong krimen na ‘yon.

Gusto kong maiyak. Sa dinami-rami ng kuwentong nakapaloob sa librong hawak ko, hindi ko alam kung suwertihin pa ‘kong sa pagbuklat kong muli nito ay ang istorya ng Murder in the Ancestral Residence ang bubulaga ulit sa’kin. Nanggigil sa inis, malakas kong isinigaw ang pangalan ng buwisit, “Rajohn!”

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Si Piki sa Ilalim ng Bilog na Buwan

Isang Hiraya sa Dako Pa Roon

Hangal o Bayani?