Mga Sentimyento ng Isang Duwag

Hinulma ako ng panahon at ng kabutihan bilang isang taong hindi maipagmalaki ang sarili sa buong mundo. Oo. Hindi ko kayang ipagyabang sa lahat kung sino ako kahit na ba ang pagkakakilanlan sa'kin ng mga tao ay isang mabait, mapagmahal, at maunawaing tao. Para ano pa? Gayong isa lang akong hamak na mapagbalat-kayo.

Ipinakita ko sa kanila ang imahe ng aking pagiging isang mabuting anak, naging masunurin ako sa mga tuntunin ng aking mga magulang at naging maunawain sa aming kasalukuyang sitwasyon at nakuntento kung anong meron; ng pagiging isang mabuting kapatid, pilit kong binuo ang isang masayang larawan sa pagitan namin at inintindi ang kanilang mga sitwasyon sa oras ng alitan, pinakiramdaman ang kanilang mga damdamin at maingat na hindi sila masaktan; at ng pagiging isang mabuting kaibigan, binigyan ko sila ng masasandalan sa lahat ng oras at naniguradong hindi ako magdudulot ng kahit anumang problema sa kanilang mga buhay.

Ginawa ko ang lahat ng iyon para lang sundan ang yapak ng isang uliran—na siya naman talaga ang dapat na sinusundan ng bawat tao dito sa mundo. Hanggang sa ang paglandas patungo sa tamang daan ang naging adhikain ko at ang pagdadala nito araw-araw sa aking buhay ay siyang nakagawian ko. Hindi ko na ito natakasan magmula noon.

Nilamon ako ng kabutihang bumalot sa aking pagkatao. Tinanggal nito ang kapilyuhan ko noong kabataan at binago ako bilang isang tahimik na tagapakinig. Naging atento ako sa aking bawat galaw, bawat kilos, bawat mga desisyon. Para bang guguho ang mundo sa oras na gumawa ako ng isang mali.

Tumatak sa aking isip at gumuhit sa aking puso ang pagiging mapagmalasakit sa mga taong nasa paligid ko. Masyado akong naging mapagbigay. Nangibabaw ang sigaw ng aking damdamin sa bawat mga pasyang aking gagawin. Ni hindi ko na magawang ibahagi sa iba ang mga problema't pasakit ko sa buhay, nababahala sa mga pasaning ipapabuhat pa sa kanila. Kaya naman sa bawat mga tanong nilang "kamusta ka naman," walang pasubaling sasagot ako ng "okay lang," kasunod ang isang mapagkumbinsing ngiti. Naging awtomatiko na ang ganoong sitwasyon. Wala na akong nagawa kundi ang isarado ang sarili ko mula sa lahat—sa mga kaibigan, sa mga kapatid, at maging sa mga magulang—upang 'wag na silang madamay pa sa sarili kong mga problema. Naging paniniwala ko na ang mga bagay na pumapabor sa iba. Wala akong tinira para sa'king sarili.

Dahil doon ay naligaw ako. Naiwan akong mag-isa sa isang lugar na hindi ko mamukhaan sa sobrang dilim. Binalot ako ng takot at ng mga pangamba. Palaging may halong pagdadalawang-isip sa mga problemang dumarating at madalas pang iwasan at takbuhan ko ang mga ito. Hindi ko inakalang ang kabutihang itinanim sa ugat ng aking pagkatao ang siyang magiging sentro ng sarili kong kahinaan. Ano na ang kahihinatnan ko sa hinaharap kung ganito ang lagay ko?

Unti-unting natambak ang mga insekyuridad ko sa buhay. Ang simpleng pakikipagkomunika sa mga tao ay hindi ko na magawa ng maayos. Para saan pa't hindi rin naman ako mananalo sa kahit anong argumento. Pinili kong 'wag nang igayak ang sarili dahil paniguradong wala naman magkakainteres sa akin. Hindi ko na rin nabigyan ng magandang pokus ang pag-aaral dahil masyado akong ninaig ng mga ekspektasyong ibinibigay sa'kin ng mga tao lalo pa't isang prestihiyosong unibersidad ang pinapasukan ko. Tinanggap ko na lang ang mga bagay, mabuti man ito o masama, na mangyayari sa buhay ko kahit hindi pa naman talaga nangyayari. Ngunit kaakibat nito ay ang nag-aalalang parte ng aking sarili. Kahit gaano ko man itatwa ang sitwasyon at sabihin na ayos lang ang lahat ay hindi pa rin ito maikaila ng nasasaktan kong damdamin. Umiiyak ang puso ko sa isang sulok, kumikirot sa sakit. Nagtatago at tinitiyak na walang sinuman ang nakamasid. Nagluluksa sa mga oportunidad na sana'y naagapan pa kung hindi lang pinairal ang takot na masaktan, malinlang, maloko, magamit o mabigo.

Nawala sa tamang lugar ang lahat. Naging kuntento ako sa mga bagay na nangangailangan pa ng kaukulang pansin. Naging labis ang pagpapahalaga ko sa iba na nagawa kong kalimutang may halaga rin ang isang tulad ko. At kung susumahin man ang lahat, ako ang ituturong puno't dulo. Kung tinimbang ko lang ng maayos ang bawat bagay ay hindi sana mangyayari 'to. Kung hindi sana ako nagpatalo sa mga naging pag-aalinlangan ko sa buhay ay kakayaning kong magtaas-noo ngayon.

Aminado naman ako. Kasalanan ko ang pagiging sobrang mabait at sobrang pagpapauna sa nararamdaman. Kasalanan ko na hindi ako naging praktikal, na pinili ko ang maging mahiyain sa bawat butil na bagay at hindi man lang magtangkang sumubok sa mga bagong karanasan. Kasalanan ko ang pagsasawalang-bahala sa aking sarili. Sa mga puntong ganito na inaako ko ang lahat, mas lalo pang nauubos ang kumpiyansa ko sa sarili. Madalas pa na dumadagdag ang mga pagpapaalala ng mga inosenteng tao sa akin na nasa maling daan ako. Wala silang kaalam-alam na dinidikdik nila ako sa kahihiyan. Sa mga oras na ubos na ubos na ako ay hindi ko na maiwasang pagdudahan ang buhay ko dito. Maraming beses na pumasok sa isip ko na wakasan na lang ang mga paghihirap na 'to. Pero dahil sa aking pagiging isang dakilang duwag ay hindi ko rin magawa.

Nakakatawa tuloy isipin na ang kahinaan ko ang siya ring magliligtas sa buhay na 'to. Pero masasabi nga bang buhay ito kung hindi ko naman kayang ipakilala at ipagmalaki sa mundo? Tanging sa paglalakas-loob ko lang mahihinuha ang sagot pero dapat ko ring isipin na sa oras na mabuo ang loob ko at lumabas ang tapang na nagtatago, ang mismong buhay na 'to ay maaaring malagay sa peligro.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Si Piki sa Ilalim ng Bilog na Buwan

Isang Hiraya sa Dako Pa Roon

Hangal o Bayani?